‏ 1 Corinthians 11

1Kaya nga, tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Ang Pagtatakip sa Ulo Kapag Sumasamba

2Pinupuri ko kayo dahil lagi ninyo akong inaalala, at sinusunod ninyo ang mga itinuro ko sa inyo. 3Ngayon, gusto kong malaman ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang siya namang ulo ng babae, at ang Dios naman ang ulo ni Cristo. 4Kung ang isang lalaki ay nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Dios na may takip ang ulo, nagdadala siya ng kahihiyan sa kanyang ulo na si Cristo. 5Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensahe ng Dios na walang takip ang ulo ay nagdadala ng kahihiyan sa kanyang ulo na walang iba kundi ang lalaki, at para na rin siyang nagpakalbo. 6Kung ayaw magtakip ng ulo ang isang babae, magpaputol na lang siya ng buhok. Ngunit kahiya-hiya naman sa babae ang magpaputol ng buhok o magpakalbo, kaya dapat siyang magtakip ng ulo. 7Hindi dapat magtakip ng ulo ang lalaki kapag sumasamba dahil siyaʼy larawan at karangalan ng Dios. Ngunit ang babae ang karangalan ng lalaki. 8Sapagkat hindi naman nilikha ang lalaki mula sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki. 9At hindi naman nilikha ang lalaki para sa babae, kundi ang babae para sa lalaki. 10Kaya dapat magtakip ng ulo ang babae upang makita, maging ng mga anghel, na nagpapasakop siya sa kanyang asawa. 11Ngunit dapat ninyong tandaan na sa buhay natin sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki, at kailangan din ng lalaki ang babae. 12Dahil kung nagmula ang unang babae sa lalaki, ang lalaki naman ay ipinapanganak ng babae; at ang lahat naman ay nagmumula sa Dios.

13Kayo na rin ang magpasya: Kaaya-aya ba na makita ang isang babae na nananalangin nang walang takip sa ulo? 14Natural sa isang lalaki na maiksi ang buhok, dahil kahiya-hiya kung mahaba ito. 15Ngunit karangalan ng babae ang pagkakaroon ng mahabang buhok. Sapagkat ipinagkaloob sa kanya ng Dios ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. 16Kung mayroon mang gustong makipagtalo tungkol dito, wala na akong masasabi dahil ito ang aming nakaugalian, at ito ang sinusunod ng mga iglesya ng Dios sa kahit saang lugar.

Ang Banal na Hapunan

(Mat. 26:1-29; Mar. 14:22-25; Luc. 22:14-20)

17Tungkol sa bagay na tatalakayin ko ngayon ay hindi ko kayo mapupuri, dahil ang mga pagtitipon ninyo ay nakakasama sa halip na nakakabuti. 18Sapagkat nabalitaan ko, una sa lahat, na tuwing nagtitipon-tipon kayo bilang iglesya, nagkakaroon kayo ng pagkakapangkat-pangkat, at medyo naniniwala ako na iyan nga ang nangyayari. 19Kinakailangan sigurong mangyari iyan para malaman kung sino sa inyo ang mga tunay na mananampalataya. 20Kapag nagtitipon kayo upang ipagdiwang ang Banal na Hapunan,
Banal na Hapunan: sa literal, Hapunan ng Panginoon.
hindi tama ang ginagawa ninyo,
21dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy busog at lasing na, at ang iba namaʼy gutom. 22Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Dios at hinihiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!

23Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing traydurin ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay, 24at pagkatapos niyang magpasalamat sa Dios, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25Pagkatapos nilang kumain, ganoon din ang ginawa niya sa inumin.
inumin: sa literal, kopa.
Kinuha niya ito at sinabi, “Ang inuming ito ang bagong kasunduan na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin.”
26Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom ng inuming ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang pagbabalik.

27Kaya nga, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom ng inumin ng Panginoon nang hindi karapat-dapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28Kailangang suriin ng bawat isa ang kanilang sarili bago kumain ng tinapay at uminom ng inumin. 29Sapagkat ang sinumang kumain at uminom nito nang hindi pinapahalagahan ang katawan ng Panginoon ay nagdadala ng kaparusahan sa kanyang sarili. 30At ito nga ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahihina at may sakit, at ang ilan ay namatay. 31Ngunit kung susuriin natin ang ating sarili – kung tama o mali ba ang ating mga ginagawa, hindi tayo parurusahan ng Dios. 32Kung tayo man ay pinarurusahan ng Dios, dinidisiplina niya tayo upang hindi tayo maparusahang kasama ng mga tao sa mundo.

33Kaya nga, mga kapatid, kapag nagtitipon-tipon kayo para sa Banal na Hapunan, maghintayan kayo. 34Kung may nagugutom sa inyo, kumain na muna siya sa kanyang bahay nang hindi kayo maparusahan ng Panginoon dahil sa mga ginagawa ninyo sa inyong pagtitipon. At tungkol naman sa iba pang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan.

Copyright information for TglASD