1 Chronicles 16
1Inilagay nila ang Kahon ng Dios sa loob ng toldang itinayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. ▼▼handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
2Pagkatapos nilang maghandog nina David, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoon. 3Binigyan niya ng tinapay, karne, ▼▼karne: Ito ang nasa tekstong Syriac. Sa Hebreo, hindi malinaw ang ibig sabihin nito.
at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. 4Pumili si David ng mga Levita na maglilingkod sa harap ng Kahon ng Panginoon para manalangin, magpasalamat at magpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 5Si Asaf ang nanguna sa kanila at siya ang nagpapatunog ng mga pompyang. Sumunod sa kanya ay sina Zacarias, Jeyel, Shemiramot, Jehiel, Matitia, Eliab, Benaya, Obed Edom at Jeyel. Sila ang mga tagatugtog ng lira at alpa. 6Ang mga pari na sina Benaya at Jahaziel ang palaging nagpapatunog ng mga trumpeta sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Dios.
Ang Awit ng Pasasalamat ni David
(Salmo 105:1-15; 96:1-13; 106:1, 47-48)
7Nang araw na iyon, sa unang pagkakataon ay ibinigay ni David kay Asaf at sa mga kapwa niya Levita ang awit na ito ng pasasalamat sa Panginoon:8Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
9Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
10Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
11Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
12– 13Kayong mga pinili ng Dios na mga lahi ni Jacob na lingkod ng Dios, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol.
14Siya ang Panginoon na ating Dios,
at siya ang namamahala sa buong mundo.
15Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon.
16Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham,
at ipinangako niya kay Isaac.
17Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob, ▼
▼Jacob: sa literal, Israel.
at magpapatuloy ito magpakailanman.
18Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan,
ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.” ▼
▼inyong … angkan: sa Hebreo, mana ninyo.
19Noon iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
20Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
21Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
22 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
23Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa Panginoon.
Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin.
24Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa.
25Dahil dakila ang Panginoon at karapat-dapat papurihan.
Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga dios,
26dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin,
ngunit ang Panginoon ang lumikha ng langit.
27Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan;
ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan.
28Purihin ninyo ang Panginoon,
kayong lahat ng tao sa mundo.
Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
29Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya.
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kanyang kabanalan.
30Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga.
31Magalak ang buong kalangitan at mundo;
ipahayag sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon.”
32Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
33At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng Panginoon.
Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo.
34Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
35Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Dios na aming Tagapagligtas;
palayain nʼyo po kami sa mga bansa at muli kaming tipunin sa aming lupain,
upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.” ▼
▼kabanalan: sa literal, banal na pangalan.
36Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang Panginoon!
37Ipinagkatiwala ni David kay Asaf at sa kapwa nito Levita ang palaging paglilingkod sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ayon sa kailangang gawin sa bawat araw. 38Kabilang sa grupong ito ay si Obed Edom na anak ni Jedutun, si Hosa, at ang 68 pang Levita, na mga guwardya ng Tolda.
39Ipinagkatiwala ni David sa pari na si Zadok at sa kanyang mga kapwa pari ang Tolda ng Panginoon doon sa mataas na lugar sa Gibeon. 40Sila ang palaging nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa altar, araw at gabi, ayon sa lahat ng nakasulat sa Kautusan ng Panginoon na ibinigay niya sa Israel. 41Kasama rin nila sina Heman, Jedutun, at ang iba pang mga pinili sa pag-awit ng pagpapasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niyang walang hanggan. 42Tungkulin nina Heman at Jedutun ang pagpapatunog ng mga trumpeta, pompyang at ng iba pang mga instrumento na ginagamit sa pag-awit ng mga awitin para sa Panginoon. Ang mga anak ni Jedutun ang pinagkatiwalaan na magbantay sa pintuan.
43Pagkatapos, umuwi ang lahat sa mga bahay nila, at si David ay umuwi rin para basbasan ang kanyang pamilya.
Copyright information for
TglASD